Thursday, April 28, 2011

Pagsusuri Sa Tulang “Sa Kabataang Pilipino” ni Dr. Jose P. Rizal

I. PANIMULA
“Ako
ang daigdig
ako
ang tula

ako
ang daigdig
ang tula…”
-mula sa tulang AKO ANG DAIGDIG ni Alejandro G. Abadilla

Ipinalathala ito ni Abadilla noong 1940. Mapapansin ang pagiging mapagtimpi ngunit malawak at madiwa sa paggamit ng mga salita at puno mg mga kahulugang-pilosopikal (G.G.Montera at G.C.Rebamonte, 2007).

Obra ng isang henyo.Ang tula ay hindi nangangailangang gumamit ng maraming salita at ito’y sinusuportahan sa pahayag ni Samuel T.Coleridge,”Ang Tula ay siyang pinakamabuting salita sa kanilang pinakamabuting kaanyuan” (G.G.Montera at G.C.Rebamonte, 2007).

Kaya naman ,sa panunuring papel na ito,susubukan natin suriin ang tulang Sa Kabataang Pilipino ni Dr. Jose Rizal. Aalamin natin kung ano ang kanyang nais iparating. Tutunghayan at bubusisiin ang kahulugan ng mga simbolismong ginamit sa tula.

Naglalayon din ang panunuring papel na ito na malinaw maipahayag ng mga guro sa kanyang mag-aaral ang mensahe ng tula at maimulat ang mga Kabataang Pilipino sa papel na kanilang gagampanan para sa ating Inang Bayan.


II. BUOD


SA KABATAANG PILIPINO

Ni Dr. Jose P. Rizal

Itaas ang iyong noong aliwalas
Mutyang Kabataan, sa iyong paglalakad
Ang bigay ng Diyos na tanging liwanag
Ay pagitawin mo, Pag-asa ng bukas.

Ikaw ay bumaba, O katalinuhan,
Mga puso naming ay nangaghihintay,
Magsahangin kanga’t an gaming isipa’y
Ilipad mo roon sa kaitaasan!

Taglayin mo lahat ang kagiliw-giliw
Na mga silahis na dunong at sining;
Kilos, kabataan at iyong lagutin
Ang gapos ng iyong diwa at damdamin.

Masdan mo ang putong na nakasisilaw,
Sa gitna ng dilim ay ‘di matitigan;
Ang putong na yaon ay dakilang alay
Sa nalulugaming iyong Inang Bayan

O, ikaw, na iyang pakpak na nais
At handang lumipad sa rurok ng langit,
Upang kamtan yaong matamis na himig,
Doon sa Olimpo’y yamang nagsisikap.

Ikaw, na ang tinig ay lubhang mairog,
Awit ni Pilomel na sa dusa’y gamot,
Lunas na mabisa sa dusa’t himutok,
Mga kaluluwang luksa’t alipin ng lingkot.

Ikaw na ang diwa ay matalas, makinang
Bunga ng palaging pakikipaglaban,
Kaluluwang sumapit sa iyong hantungan,
Ang nagiging pala’y walang hanggang buhay.

At ikaw, O Diwang mahal ni Apeles,
Sinuyo sa wika ni Pebong marikit,
O sa isang putol na lonang makitid.
Nagsalin ng kulay at ganda sa langit.

Hayo na ngayon di’t pag-alabin mo
Ang apoy ng iyong isip at talino,
Ang magandang ngala’y ihasik sa mundo,
At ipagbansagan ang dangal ng tao.

O dakilang araw ng tuwa at galak,
Magdiwang na ngayon, sintang Pilipinas!
Magpuri sa Bayang sa iyo’y luungap
Umakay sa iyo sa magandang palad.


III. PAGSUSURI


Ang tulang “ A La Juventud Filipina ( Sa Kabataang Pilipino)” ay isa sa pinakamagaling na obrang likha ni Dr. Jose Rizal. Noong taong 1879, sa edad na labingwalong taon, pinanalunan niya ang patimpalak na kinalahukan ng mga magkahalong mestizo at katutubo. Nakamit niya [Rizal] ang unang gantimpala at ito’y ikinatuwa ng kanyang mga propesor sa Ateneo, mga kaibigan at kamag-anak (G.F. zaide at S.M. Zaide, 2008).

Dagdag pa rito, binanggit rin sa aklat nina G.F. Zaide at S.M. Zaide (2008), naging klasiko sa Panitikang Pilipino ang tulang ito dahil sa dalawang rason: Una, ito ang pinaka-unang tulang naisulat sa wikang Espanyol subalit likha’t isinulat ng isang katutubo at ito’y kanilang kinilala. Pangalawa, sa kauna-unahang pagkakataon, ang tula ay naglalahad ng isang konsepto ng pagka-makabayan ng mga Pilipino na tayo ang pag-asa ng ating bayan at hindi ng mga banyaga.

Ang kabuuan ng tula ay nagsasaad ng hamon para sa mga Kabataang Pilipino na magising sa pagiging manhid at imulat ang mga sarili sa mga nagaganap sa paligid. May adhikain din itong ipabatid sa mga kabataan na magkaroon ng adhikaing matulungan ang Inang Bayan.

Pinukaw ni Rizal ang isipan ng Kabataang Pilipino na ipagmalaki ang ating lahing Pilipino. “Itaas ang iyong noong aliwalas,” sapagkat ito lamang ang nagbibigay ng liwanag sa landas na kanilang tatahakin. Para na rin sa ikabubuti ng kanilang mga kalahi.

“Ang bigay ng Diyos na tanging liwanag,
Ay pagitawin mo, pag-asa ng bukas.”

Mapapansin sa ikalawang saknong na ito’y nagpapakita ng pagka-positibo at tinuturuan tayong mangarap at hamunin kung hanggang saan masasagad ang ating kakayahan.

“…mga puso naming ay nagaghihintay,
Magsahangin ka nga’t an gaming isipan
Ilipad mo roon sa kaitaasan.”

Ito’y isang matamang paniniwala na kailangan nating sagarin kung hanggang saan aabot ang ating kakayahang mangarap na may adhikaing para sa ikabubuti ng nakararami.

Sa ikatlong saknong ipinaalala niya [Rizal] sa atin na para maabot natin ang ating mga pinapangarap, dapat natin itong paghandaan. Dapat pagsumikapan sa pamamagitan ng pag-aaral at pagpapakadalubhasa.

“Taglayin mo lahat ang kagiliw-giliw
Na mga silahis na dunong at sining…”

At para magawa natin ito, kinakailangan nating kumilos, supilin ang pagiging manhid sa mga pangyayari at imulat ang sarili sa mga nagaganap sa paligid.

“…kilos, kabataan at iyong lagutin,
Ang gapos ng iyong diwa at damdamin.”

Itong ika-apat na saknong, ang unang taludtod ay isang simbolismo ng kapangyarihan, “Masdan mo ang putong na nakasisilaw…”kapangyarihan na nagbibigay pag-asa para iligtas ang naghihingalong Inang Bayan.

Ang ika-limang saknong naman ay may himig ng pananalig. Oo, si Rizal ay may pananalig sa Kabataang Pilipino. Naniniwala siyang maaabot nito ang tugatog ng tagumpay dahil batid niyang sadyang may pagsusumikap at pagkukusa.

“…at handing lumipad sa rurok ng langit,
Upang kamtan yaong matamis na himig,
Doon sa Olimpo’y yamang nagsisikap.”

Ipinapahiwatig naman sa ika-anim na saknong na ang Kabataang Pilipino ang lunas sa mga hinaing ng mga kababayan. Kung papansinin natin, ang ikalawang taludtod ay gumamit ng isang tayutay na pagpapalit-tawag, “Awit ni Pilomel na sa dusa’y gamut.” Ito’y nagangahulugang isang lunas. Parang isang Ibong Adarna na naging sagot sa karamdaman ni Haring Fernando ng Berbanya. Ganito rin sana ang gustong mangyari ni Rizal, ang mga Kabataan ang siyang magiging lunas at magpapalaya ng kanyang lupang sinilangan.

Kung babalikan natin ang isinasaad ng ikatlong saknong, ninanais ni rizal na paghandaan ito ng mga kabataan-pag-aaral at pagpapakadalubhasa- sapagkat nakikita niyang hinog na ang Kabataang Pilipino bunga ng mga karanasang kanyang napagdaanan. Naniniwala siyang magiging bunga rin ng matamang adhikain ang isang walang hanggang buhay. Isang tunay na kasarinlan-ito ang kanyang tinutukoy at inilahad sa ika-pitong saknong.

“Ikaw na ang diwa ay matalas, makinang
Bunga ng palaging pakikipaglaban,
Kaluluwang sumapit sa iyong hantungan,
Ang nagiging pala’y walang hanggang buhay.”

Ang ika-walong saknong naman ay nagsasaad ng isang imahe. Ito’y imahe ng isang panibagong bukas na puno ng pag-asa kung saan sisibol ang isang bagong paraiso para sa mga Pilipino.

“At ikaw, O Diwang mahal ni Apeles,
Sinuyo sa wika ni Pebong marikit,
O sa isang putol na lonang makitid.
Nagsalin ng kulay at ganda sa langit.”

Sa saknong na ito, ginamit ni Rizal si Apeles bilang alusyon ng isang mahusay at dalubhasa samantalang si Pebo naman ay sumisimbolo sa araw na sumisikat. Sa pamamagitan nito, ito’y nakapaghahabi ng isang kaakit-akit na paninniwalang may hinaharap tayong maganda at ito’y nakasalalay sa kamay ng Kabataang Pilipino-ang pag-asa ng bayan.

Batid ni Rizal na kapantay ng iba pang lahi sa mundo ang lahing Pilipino kaya naman inihayag niya sa ika-siyam na saknong na patuloy magkaroon ng inspirasyong ipagbunyi ang lahing Pilipino.

“Hayo na ngayon di’t pag-alabin mo
Ang apoy ng iyong isip at talino,
Ang magandang ngala’y ihasik sa mundo,
At ipagbansagan ang dangal ng tao.”

Ang ika-sampung saknong naman ay may damdaming masaya dahil niyang may magandang bukas na kakaharapin ang bansang Pilipinas.

“O dakilang araw ng tuwa at galak
Magdiwang na ngayon, sintang Pilipinas!
Magpuri sa Bayang sa iyo’y lumingap
Umakay sa iyo sa magandang palad.”

Hindi natin maikakaila na maraming dahilan para maisulat ni Rizal ang tulang ito. Sa murang edad pa lamang nakita na niya ang ‘di pantay at ‘di makataong pagtrato ng mga Kastila sa mga Indio-tawag ng mga Kastila sa mga katutubong Pilipino. Ang pagkamatay ng tatlong paring martir na kilala sa tawag na Gom-Bur-Za (Gomez, Burgos, Zamora), na labis na ikinalungkot ng pamilyang Rizal lalo na si Paciano-nakatatandang kapatid ni Jose Rizal- sapagkat kaibigan at guro nito si Padre Burgos. Binuksan ni Paciano ang walang kamuwang-muwang na isipan ni Rizal sa mukha ng mga Pilipino sa kamay ng mga kastila. ‘Di naglaon, inialay niya [Rizal] ang kanyang nobelang El Filibusterismo sa tatlong paring martir (G.F. zaide at S.M. Zaide, 2008).

Bata pa lamang si Rizal, naranasan niya mismo ang unang hagupit ng kasamaan ng mga Kastila nang kinulong ang kanyang ina dahil inakusahan itong nilason ang asawa ng kanyang Tiyo Alberto Jose. Naranasan rin niya ang ‘di pantay na pagtrato ng mga prayle sa mga mag-aaral na indiyo. Minsan rin niyang naranasan mahampas at magulpi ng hindi siya nakapagbigay galang sa isang tinyente ng gwardiya civil.

Masasabi nating sa murang edad na labingwalong taon, naimulat ang kanyang isipan sa hindi makatwirang pagmamalupit ng mga Kastila sa kanyang kababayan.

Kaya naman malinaw at matibay nating nasuri ang tulang ito ayon sa Teoryang Pangkatauhan. Ito’y bunga ng mga napuna ni Rizal sa mga nangyayari sa paligid at sa pamamagitan ng isang masining na pamamaraan ng pagpapahayag, naiparating niya ang kanyang mensahe sa kapwa, kabataan.


IV. KONKLUSYON

Bilang kabuuan, ang tulang Sa Kabataang Pilipino ay isang tulang nagbibigay hamon sa mga Kabataang Pilipino na gawin ang tama para makapagdala ng karangalan sa sariling bayan. Ipinapahiwatig rin sa tulang at patuloy pinapaalala na ang Kabataan Pilipino ang siyang Pag-asa ng Bansang Pilipinas.

REKOMENDASYON

Sa mga guro, maipapayo ko na panoorin ang pelikulang Rizal para sa karagdagang kaalaman ng mga mag-aaral. Para mas magaang talakayin ito sa klase, pwedeng gawin ang aktibi na “think-pair-share” at hayaang gumawa ng awtput –produkto man o performance- nang sa ganoon hindi lang lahat ng input ay mula sa guro. Matapos mailahad ito ng bawat pangkat, iuugnay-ugnay ito para hayaan silang matukoy ang tema ng tula.

V. BIBLIYOGRAPI


• Zaide, G.F. at Sonia M. Zaide.2008. Jose Rizal: Life, Works, and Writings of a Genius, Writer, Scientist, and National Hero.Quezon City.All-Nations Publishing Co.,Inc.

• Rebamonte, G.C. at Godfrey G. Montera.2007.Panulaang Pilipino.Cebu City.

• Leyson, L.D. at Godfrey G. Montera.2007.Malikhaing Pagsulat. Cebu City.

2 comments:

  1. Ito po ay batay lamang sa ginawa kong pagsusuri at ito batay lamang sa mga napuna ko.

    ReplyDelete
  2. maraming salamat po sa impormasyon :)
    sana po patuloy kayong gumawa ng ganyan para mas lalo naming maintindihan

    ReplyDelete