Thursday, April 28, 2011

Pagsusuri sa Pelikulang “BALER”

I. PANIMULA



Bawat isa sa atin mayroon “kwentong ng pag-ibig” na maibabahagi. Isang kwentong ating iniingat-ingatan at laging sinasariwa. Marahil sa karanasang pinagsaluhan natin sa ating mga minsang inibig o ‘di kaya’y sa sakit na dinulot ng naturang pag-ibig.

Ang buhay ng tao ay umiikot sa pag-ibig. Isang mahika sa buhay ng tao. Isang rekados na mas makapagbibigay lasa sa naturang buhay. Ganito ko mailalarawan ang peliklang Baler ng Viva films at Bida Production. Ito’y isang kwentong ng pag-iibigan, isang ‘di malilimutang pag-iibigan na naganap panahon ng digmaang Pilipino-Kastila.

Susuriin natin ang pelikulang ito ayon sa pagpapalutang ng damdamin at pagsisipagganap ng mga aktor. Bibigyan rin natin ng pansin ang pagkakahabi‘t pagtatagpi-tagpi ng mga eksena, sinematograpiya, desinyong pamproduksyon at screenplay ng pelikula.

Bilang isang guro, bago iharap ang pelikulang ito sa mga mag-aaral, kikilatisin muna ito para mas mapalawak at mabigyang daan ang pagbibigay gabay sa mga mag-aaral sa panonood. Nais ko ring pahalagahan ang bungang dulot ng digmaan at ipabatid sa mga mag-aaral ang tanging bunga nito. Tinatamo ko ring pahalagahan ang pelikulang Pilipino, ito’y isang pelikula na ma-ipagmamalaki natin sa buong mundo.

II. SYNOPSIS/ BUOD Ng PELIKULANG “BALER”

“yo nunca le me olvidaré”

Ito’y tungkol sa isang ‘di malilimutang pag-iibigan nina Feliza Reyes (Ann Curtis) at Celso Resurrecion (Jericho Rosales) sa panahon ng digmaan noong taong 1898. Naganap ito sa bayan ng Baler, Probinsya ng Quezon kung saan limampu’t pitong armadong Kastila laban sa pwersa ng mga Pilipino.

Si Feliza ay anak ng isa sa mga pinuno ng mga rebelled, si Daniel (Philip Salvador), na may adhikaing mapa-alis lahat ng mga Kastila sa bayan ng Baler. Samtalang si Celso naman ay isang kalahating Kastila at kalahating Pilipino na mas piniling maging sundalo ng mga Kastila para makapunta ng Espanya at hanapin ang ama.

Pinatuyan ng dalawa ang pagiging matatag ng kanilang pagmamahalan kahit sila’y nasa magkabilang panig. Hindi naglaon, nagbunga ang kanilang pagmamahalan at ito’y nabatid ni Daniel. Ipinaglaban ni Isang [Feliza] ang kanyang pagmamahal kay Celso sa kabila ng pagtutol ng kanyang ama.

Samantalang, si Celso naman at iilang kasamahang kawal naglulungga sa simbahan ng Baler. Unti-unting nalalagas ang kanyang mga kasamahan dahil sa patuloy na pakikipaglaban at pagkagutom. Nagpatuloy sa pagpapakatatag si Celso dahil batid niyang magiging ama na siya. Subalit, ‘di naglaon hindi na matiis ni Celso ang mahabang panahon pananatili niya sa lob ng simbahan, kasama ng tatlo pang kawal, binalak nilang tumakas at sumuko sa mga Pilipinong kawal. Ngunit, dalawa lamang sa kanila ang nakatakas sapagkat nahuli siya ng mga kasamahan nilang Kastila. Para mailigtas ang sarili, ipinagkalulo si Celso ng kasaman niyang ‘di rin nakatakas at ito’y binaril.

June 2,1899, araw na pinaka-asam-asam nina Isang at Celso, sumuko ang mga Kastila sa kamay ng mga Pilipino. Isa-isang nagsilabasan ang mga kawal subalit ‘di mawati ni Isang si Celso. Pinasok niya ang simbahan para hanapin ito, at doon sa isang sulok nakita niya si Celso. Nasa sulok ng simbahan, nakaluhod at nakagapos, may tama ng baril, patay.

Hanggang sa kahuli-hulihang sulat ni Celso para kay Isang, “yo nunca le me olvidaré” o “Hindi kita makalilimutan” ang nasambit ni Celso para sa kanyang pag-ibig kay Isang.

III. PAGSUSURI

Baler, isang payapang probinsya kung saan ang ikinabubuhay ng karamihan ay pagsasaka. Mala-luntiang kaharian na biyaya mula sa kalangitan. Isang kanlungan para sa mga mamamayan. Sadyang hinubog ng panahon para makalikha ng isang napakagandang mga tanawin na ‘di kailanma’y mapapantayan ng tao.

Dito sa bayan ng Baler naganap ang isang ‘di malilimutang pag-iibigan. Pag-ibig hanggang kamatayan. Ito’y hango sa tunay na buhay at isinapelikula ayon sa istorya at panulat ni Roy Iglesias at binigyang buhay ng malikhaing pag-direk ni Mark Mieley.

Ang pelikulang Baler ay opisyal na kalahok ng Viva Films at Bida Production noong 2008 sa Metro Manila Film Festival at ito’y nagtamo ng maraming parangal at pagkilala. Kabilang na rito ang Best Actress- Ann Curtis, Best Supporting Actor- Philip Salvador, Best Director- Mark Meiley, Best Festival Screenplay- Roy Iglesias, Best in Cinematography- Lee Meiley, Best Editing-Danilo Añonuevo at Best in Production Design- Aped Santos. Nakatanggap din ang pelikula ng pagkilala mula sa Department of Education (DepEd) at ng National Commission for Culture and Arts (NCAA). Nakakuha rin ito ng marka A mula sa Cenima Evaluation Board (CEB).

Masasabi kong, muli na namang nakahanap ng isang magandang material si G. Iglesias-kilala siya sa kanyang mga isinulat na pelikula e.g Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon, Babae Sa Bintana, at iba pa. Isang kwentong dapat lamang ibahagi sa buong mundo. Tunay na pinaghandaan at sinaliksik ang pelikula sapagkat ito’y hango sa mga tunay na pangyayari sa kasaysayan ng pakikipagdigma ng mga Pilipino laban sa mga Kastila para matamo ang inaasam-asam na kasarinlan. Kalahati ng pelikula ay gumamit ng Wikang Kastila na kinakailangan upang kapani-paniwala ang pelikula. At mapapansin rin natin na ito’y pinag-aralan at talagang pinaghandaan ng mga nagsisipagganap sapagkat maayos nilang nasambit ang kanilang mga linya na nakasulat sa Wikang Kastila. Malinaw rin na ito’y isang pelikula na binigyan ng malaking budget ng Viva Films at Bida Production dahil makikita ito sa mga kaasuotan at kagamitan ng mga aktor. Ang uniporme ng mga kawal- Pilipino at Kastila- ay kuhang-kuha ayon sa mga nakatala sa kasaysayan. Gayundin ang tradisyunal na kasuotan ng mga Pilipino ay ginamit sa pelikula. Hindi lamang ng iilang mga aktor kundi ng lahat na bahagi ng eksena. Maayos rin nakuha at maipakita ang kagandahan ng bayan ng Baler. Ang cinematograpiya na kinuha ni Lee Meiley- mga maiinam na eksena na nakatulong sa kagandahan ng pelikula. Bilang kabuuan, mahusay ang pagkagawa ni Direk Mark Meiley para gawing makatotohanan ang bawat eksena sa pelikula. Binuhay niya bawat eksena at muli niya tayong dinala sa panahon ng digmaan.

Namamayani sa pelikula ang konsepto pagmamahalan lalung-lalo na sa panahon ng digmaan kung saan mapapansin natin na hindi natitinag anumang bagyo ang dumating sa dalawang pusong tunay na nagmamahalan. Ang pag-ibig ay walang kinikilalang lahi o kaya’y estado sa buhay. Mensahe rin ng pelikula ang bunga dulot ng digmaan at ito’y walang magandang naidulot ni sinuman sa mga tauhan sa pelikula. Nahiwalay sa anak, namatayan ng minamahal at nawasak na tahanan.

Wala mang masyadong bibigyan ng pagpapakahulugan ang pelikula, kundi iyon lamang eksena sa may dalampasigan nina Isang at Celso na napaparating sa mga manonood ng isang sensitibong eksena na ‘di akmang ipakita sa mga sinehan. Ngunit, maayos na inilahad ang mga pangyayari na medaling maunawan ng mga manonod. Ang kagandahan siguro ng pelikula ay ito’y isang epiko…epiko ng pag-iibigan na sinubok. Hindi ito pag-iibigan na halatang likha-likha ng mga malilikot na isipan. At ito’y binigyan ng buhay ng mga aktor.

Sa pelikulang ito unang nakatanggap ng pagkilala sa pag-arte si Ann Curtis. Sa totoo lang, hindi naman talaga ako nabighani at napatayo sa upuan sa paggananp ni Ann sa pelikula. Kung pagbabatayan natin ang mga kalahok sa naturang kategorya sa tingin ko, mayroon pang mas mahusay ang pagganap. Ito’y sa opinion ko lang. Walang isang particular na eksenang tumatak sa aking isipan bunga ng kanyang oag-arte. Ito’y marahil meron siyang Australian twang na sa tingin ko’y hindi nakatulong sa pagganap niya bilang isang katutubong Pilipina. Hindi ko naman sinasabi na pangit ang pagkakaganap ni Ann sa papel na Feliza, hindi lang ako masyadong nakumbinsi.

Ang pagganap naman ni Philip Salvador (Daniel) bilang amang ni Feliza ay maayos niyang nadala. Makikita at mararamdaman mo sa kanya ang poot mayroon ang isang Pilipino nang dahil sa ‘di makataong pagmamalupit ng mga Kastila sa mga Indio. Kung babalikan natin ang pinag-ugatan ng poot ni Mang Daniel ito’y mula nang walang awing patayin ng mga Kastila ang kanyang tiyuhin at nang gahasain ang kanyang kapatid na si Soledad sa kanyang harapan mismo. Halatang may pagtitimpi sa kanyang sarili na nagbabadyang sumabog. Dahil sa kanyang galit sa mga Kastila at itinutuon niya ito sa kanyang mga anak. Maaalala sa eksena ng pelikula na tinuruan ni Daniel ang kanyanng anak na lalaki, si Gabriel (Carlo Aquino) subalit halatang ‘di ito nagpakita ng interes. Nabaling naman ang kanyang atensyon nang taimtim silang pinanonood ni Feliza (Ann) at sinabi nitong naawa siya sa ginagawa ng ama kay Gabriel. Hindi ko rin makalilimutan ang eksenang mas pinili ni Gabriel na sumama sa mga Kastila, lalo na sa kanyang pinagsisilbihang pari. Pinagpapapalo at halatang galit nag alit si Daniel rito. Maaalala ko rin ang galit niya nang malaman niyang umibig ang kanyang anak na babae sa isang kalahating Kastila at inanakan pa siya nito. Mahusay itong ipinakita at ipinadama lahat ni G. Salvador.

Sa palagay ko naman, nararapat sanang inuwi ni G. Jericho Rosales ang Best Actor Award sapagkat mahusay ang kanyang papel bilang Celso. Para sa akin, markado ang lahat niyang eksena. Kay Isang man o sa mga kasamahang Kastila. Mahusay niyang tinura ang mga linyang Kastila at ang pagpapalutang ng damdamin ng isang umiibig. Hindi eksaherado ang pagkakaganap niya sa papel. Sa katunayan pa nga, nasa tamang timpla lang ang kanyang ginawang pag-arte. Subalit, hindi rin natin maikakaila nam atindi rin ang kalaban ni G. Rosales sa naturang kategorya at ang nakapag-uwi nga ng parangal ay si Ginoong Christopher de Leon para sa pelikulang Magkaibigan ng Maverick Films- isang pelikulang alay sa namayapang na si Rudy Fernandez. Subalit, tunay na panibagong kakayahan ang ipinakita ni G. Rosales sa pelikulang ito. Tunay na pinahanga ako ng aktor sa kanyang pagganap. Marami siyang markadong eksena sa pelikula. Ilan sa mga ito ang eksena sa kumpisalan, sa bahagi ng pagpapalitan ng mensahe ng isang kinatawan ng mga Kastila-si Celso ang kumatawan sa kaila- at ng isang Pilipino-at si Isang naman ang kumatawan sa mga ito. Ngunit, sa tingin ko, ang pinaka-markadong eksena na tumatak sa aking isipan ay ang huling bahagi ng pelikula kung saan ipinagkalulloo siya ng kanyang kasamang nais sanang sumuko. Makikita ang pagtitimpi ng karakter. Ni isang kibo walang sinambit para idamay ang kanyang kasamahan sa nabigong pagtakas. Hinarap niya ang kamatayan at iniyak ng may pagtitimpi ang kanyang sasapiting kapalaran. Para sa akin, isang tunay na matapang at isang tunay na lalaki si Celso sa sitwasyong iyon. At maayos itong naipadama sa akin ni G. Rosales.

Ang pelikula ay mai-uugnay natin sa iba pang lahi sa mundo. Digmaan, pag-iibigan. Kahit saan, nararanasan ito. Ganito kalupit ang naidudulot ng pagkakaiba.

IV. KONKLUSYON


Sa kabuuang larawan, masasabi kong isang obra ang pagkakalikha ng pelikula ito. Hindi dahil lang sa director, sa mga aktor na nagbigay buhay, at sa inilaang budget para sa produksyon kundi ito’y dahil sa isang magandang istorya. Isang istorya na minsan narinig na natin sa ating mga nuno. Isang kwento ng wagas na pag-ibig ngunit nang dahil sa pagkakaiba, nasa-alang-alang ang pag-ibig na ito.

REKOMENDASYON


Bilang guro sa sekundarya, ipinapayo kong panoorin ito ng mga mag-aaral. Hayaan silang kilatisin ang pelikula. Hindi kung paano ito ginawa kundi ang kwento mismo. Maari itong iugnay sa kanilang talakayan sa Asignaturang Araling Panlipunan, Filipino, at Edukasyong Pagpapahalaga. Maaari ring magsulat ng isang liham ang mga mag-aaral para na nagpapa-abot ng mensahe sa pamahalaan para isulong ang peace talk sa mga rebeldeng mamamayan ng ating bansa para matigil ang digmaan.

V. BIBLIYOGRAPIYA

• http://www.imdb.com/title/tt1322337/

• http://tagpuan.com/2008-metro-manila-film-festival-mmff-awards-night-list-of-winners/

• http://en.wikipedia.org/wiki/Roy_C._Iglesias

• Video City, Lapu-Lapu City Branch

1 comment:

  1. Ito po ay batay lamang sa ginawa kong pagsusuri at ito batay lamang sa mga napuna ko.

    ReplyDelete